Sabado, Hunyo 22, 2019

Baliwag Polytechnic College 10th Commencement Exercises

BTECH COLLEGE FACULTY MEMBERS

Four years ago sa eksaktong lugar kung saan ginanap ang aming graduation (Baliwag Star Arena) bumalik ang aking mga ala-ala noong ako ay kolehiyo pa. Kahapon (June 21, 2019) ginanap ang 10th Commencement Exercises ng Baliwag Polytechnic College ang mahal na dalubhasaan kung saan din ako nagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Secondary Education. Ako ay pumuwesto sa entrada ng himnasiyo upang makita ang aking kapatid at pinsan na kapuwa magsisipagtapos din. Sa bawa't pagdaan ng mga magsisipagtapos sa aking harapan ay aking napansin ang kanilang mga ngiti na abot tainga at yung iba ay tila maluha-luha pa ang mga mata. Bigla akong napaisip na sa likod ng mga ngiti at malamlam na mga mata ng magsisipagtapos na ito ay ang hirap nila (bilang isang working student) at hirap din ng kanilang mga magulang mairaos lamang ang kanilang pag-aaral. Sa isip-isip ko ilang gabi kaya ang tiniis ng mga batang ito na hindi makatulog makapagtrabaho lang at matustusan ang kanilang pag-aaral?. Ilang sapatos kaya ang tiniis nila na isuot kahit pudpod na at puro shoe glue na ang mga gilid sapagkat naglalakad lamang sila papasok at pauwi?. Ilang beses kaya silang nagpalipas ng gutom may maicontribute lang sa singilan sa klase?. Dahil sa hirap ng buhay at taas ng matrikula alam ko na gaya ko na may mataas na pangarap ngunit wala naman salapi na pantustos sa pag-aaral ay walang ibang pamimilian kung hindi mag-aral sa isang local college, sabi nga magtiis kung maikli ang kumot, kung kaya't hindi ko nakuha ang kursong gusto ko na BS Marine Engineering at BS Psychology. Ang tanging paraan lamang upang ako ay makatapos pag-aaral ay ang magenroll sa  BTECH College o Baliwag Polytechnic College. Ang Nanay ko ay isang beautician at ang tatay ko ay isang vendor, tricycle driver at farmer kung kayat nakakapagtaka kung paano nila ako napagtapos sa kolehiyo. Ilang gutom din ang aking tiniis lalo na kapag kapos ang aking baon dahil sa sabay-sabay na projects. Halos magkaulcer ako at madehydrate noong mga panahon na iyon. Favorite line naming mga magkaklase kapag malaki babayaran sa kontribusyon ay lunok laway nalang at bawal din matisod o madapa kasi sakto nalang ang pera namin pamasahe pauwi. Salamat din sa drinking fountain na malapit sa washroom kahit nagtatawanan kami  kasi yung tubig daw nun ay galing sa cr haha criminal water (pero legit po malinis). Laking tulong po pangtawid uhaw at gutom. Totoong mainit sa BTECH at bagay na bagay ang kantang "Nadarang" pwede rin sa kapampangan "Nadulok" haha. Mainit sa BTECH kasi hot mga nag-aaral dito. Pero sa totoo lang malaki ang naitulong ng init sa BTECH sa pagpasa ko sa LET alam yan ng mga naging students ko dahil paulit-ulit ko itong kinukwento sakanila tuwing maluwag ang aming oras.. Tunay nga na ang BTECH College ay paaralan para sa mahirap. Sabi ng iba kolehiyo ng masa. Hindi ko maimagine kung walang BTECH. Baka hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral gayun ang mga mag-aaral na mga pinapanuod kong magmamartiya nyayon patungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Kayat sa bawa't hakbang at yabag ng takong ng kanilang mga sapatos ay aking damang-dama. 

Maraming pangarap ang natupad dahil sa BTECH. Maraming pamilya ang kahit papaano ay nakaahon sa kahirapan at nagkaroon ng maayos na pamumuhay. Minsan may isang tao na nagtawa sa akin sapagkat hindi daw niya alam o ni minsan na hindi rin narinig kung saan daw ako nagtapos (tunog hindi sikat  na kolehiyo). Minsan din akong minaliit dahil sa isang local college lang daw ako nagtapos. Kasalanan pala sa lipunan ang mag-aral isang public local college. Sa kabila ng kaliwa't kanan na pangiinsulto sa akin ay nanatili akong buo at nakangiti sapagkat alam ko na hindi naman kasi alam ng mga taong ito kung ano ba talaga ang BTECH. Bukod sa aking tuwa na magtatapos ang aking kapatid ng kursong BS Tourism Management ay tuwa na makita ang aking mga naging estudyante. Iba-iba ang kanilang kwento at tiyak na maiiyak ka kapag iyong pinakinggan. After 4 years ano at nasaan na ba si Eric Cauzon? Ako ngyaon ay kasalukuyang punong-guro sa pribadong paaralan at part time college instructor sa BTECH College kung saan din ako nagtapos ng kolehiyo. Kung loloobin din ng panginoon sana ay matapos ko na ang aking MAED course.  May kaunti ng pundar at nakakatulong na din sa pamilya. Laki sa hirap at sanay mahirapan. Salamat po Lord dahil ibinigay mo ang mga bagay na wala ko dati. Pahahalagan ko po ito at iingatan. Gayun din sa pahiram mong karunungan akin po itong gagamitin sa tama.




Sa mga mag-aaral na nawawalan ng pag-asa payo ko lang huwag kayong bibitaw dahil naniniwala ako na daig ng madiskarte ang matalino. Konting tiis lang at huwag susuko. Maraming paasubok ang ibibigay sa atin ngunit hindi dapat natin ito sukuan. Mapapagod, hihinto, pero magpapatuloy. Ano ang napatunayan ko sa buhay? Ang pagiging matagumpay ay wala sa pangalan kolehiyong pinagtapusan wala din sa dami ng awards na nakuha noong ikaw ay nagaaral pa kung hindi nasa tatag loob at diskarte. Sa mga bagong halal naman na lider ng atin bayan ang tangi ko lamang hiling sa inyo ay patuloy ninyong pagsuporta sa BTECH sapagkat maraming pangarap ang nakalagak dito na tila isang itlog na nagiintay mapisa sa tulong gn isang mainit na halimhim. Congratulations BTECHenyos! Hanga ako sa tatag ng loob mo at determinasyon! Congratulations din sa mga matitiyagang mga professors at administrators at staff ng BTECH! Mabuhay po kayo! 



Baliwag Polytechnic College 10th Commencement Exercises

BTECH COLLEGE FACULTY MEMBERS Four years ago sa eksaktong lugar kung saan ginanap ang aming graduation (Baliwag Star Arena) bumalik...